Hindi ko alam kung bakit lagi kong nari-recall yung kagustuhan ko na maging isang 'terror' na teacher. Ang bait-bait ko kaya. Hindi bagay.
Siguro kasi yung ugali ng ilang mga mag-aaral ngayon ay higit pa sa isang terror, kaya naisip kong maging mas terrorista pa sa kanila lols. At saka nagbago na rin ang panahon.
Kwento nga ni Pope Franics, nung s'ya daw ay nasa grade four pa, may nasabi s'yang hindi maganda sa isang guro. Pinatawag ng guro ang kanyang magulang. Ang kasama nyang nagpunta ay ang kanyang ina at sinabihan sya ng kanyang ina na humingi ng paumanhin sa guro. At pag-uwi nila, alam nyo na ang nangyari... katakot-takot siguro na sermon ang inabot nya sa kanyang ina. Pero ngayon, dagdag ni Pope, kapag nagpatawag ng magulang ang isang guro, maaaring dalawa pa nga ang magpunta, ngunit ang pinagkaiba, hindi na sa bata ang sisi, kundi sa mismong guro na.
Nagpadala ako ng materials para sa activity ng mga bata. Simple lang – short bond paper, pencil at coloring materials para sa kanilang comic strip. Nung nasa klase na ako, may ilang hindi pa rin nakapagdala. At kung kailan kaunti na lang ang oras saka magpapaalam para bumili. Hindi ko pinalabas. At sa nangyari parang ako pa ang mali, ang sabi pa ng estudyante – “Hindi na ako gagawa! Ayaw naman ako palabasin.” Oh di ba, sa’n ka pa? Sarap paduguin ng nguso di ba hahaha.
Nakakapagtaka talaga. Bakit ganito na ang mga ugali nila?
Lagi ko ring naaalala yung sinasabi ng mga nakakausap kong magulang. Halimbawa, takutin daw ang kanilang anak, ako na daw ang magalit sa kanyang anak, ako na ang magpayo dahil di naman nakikinig sa kanila etc… etc… Naisip ko, magtakutan na lang kaya kami sa klasrum, mag-sermunan na lang kaya kami, at mag-payong-kaibigan portion na lang kaya ako, magbabago na kaya sila? Baka hindi rin.
Minsan, habang may pinapagawa ako sa klase, sinasaglit kong kausapin ang ilang mga pasaway sa klase, pero palasak na talagang papasok at lalabas lang sa kanilang tenga ang mga sinasabi ko. Oo lang, tatango na lang, yung mga dapat nilang gawin ‘bukas na lang’… magbabago na raw, kailan pa, patapus na ang school year di ba… kalokalike!
Ibang-iba na. Ang guro na ang nag-aadjust at nakikibagay sa mga gawi ng estudyante. Samantalang sila dapat ang mag-adjust ng mga pag-uugali dahil nga naturingang nasa paaralan sila. Kapag naghigpit ka, ikaw ang masama, ang guro ang walang konsiderasyon, ang guro ang hindi nakakaintindi, ang guro ang mali sa kabila ng lahat ng pagpapasensya mo at pag-unawa sa kanila.
Parang sirang plaka na ang mga ganitong eksena.
2015.11.06