• 7:07 PM 4/4/2020
Ilan sa binili ko kanina sa grocery ay nail file, nail cutter, at saka cuticle remover. Natuwa lang ako kasi medyo may kalawang na yung nail file na kasama ng nail cutter kong luma, eh dahil sa may nakita akong nail file, binili ko na.
Bumili rin pala ako ng kojic soap! Nagkakaubusan ng kojic soap kanina. Bakit ba kahit alam kong ‘di naman talaga ako puputi eh nagpapadala pa rin ako sa whitening soap na ito? Naka-imprint na ata sa isang sulok ng utak ko ang colonial mentality na magkaroon ng maputing balat kahit alam kong kayumanggi at kuntento naman na ako sa kulay ko.
• 4:44 PM 4/6/2020
Nakikinig ako ng podcast tungkol sa procrastination. Pinabagal ko ang bilis sa 0.75 para mas maintindihan ko kasi ingles eh, at saka may ginagawa kasi ako (SF 10) habang nakikinig. Hanggang sa napagtanto ko na hindi madaling mag-encode habang iniintindi yung pinapakinggan kong podcast, (lalo pa’t ingles, kailangan ng focus).
Ang ending, tinigilan ko ang pakikinig sa podcast. Saka na lang.
• 6:28 PM 4/6/2020
Sa isang banda, may magandang dulot din itong trahedya na pag-uulit ng SF 10 – ang pagsasalin o pag-encode muli sa tamang format. Kasi meron pa ring mga minimal errors akong nakikita at/o kulang na detalye sa mga SF 10 na nasa maling format; at least may chance pa akong i-correct iyon, o lagyan ng tamang data o kailangang info.
Pero sa totoo lang, tamad na tamad talaga ako itong gawin.
• 3:49 AM 4/7/2020
Ang aga ko nagising today! Mabuti na rin ito kasi sinusubukan kong ibalik sa normal ang aking body clock – yung sa umaga gigising, hindi yung sa umaga natutulog.
• 8:26 PM 4/12/2020
Habang nanunuod ako ng isang Thai BL series, bigla ko na lang narinig na tinawag ata ng karakter ang pangalan ko, nabanggit niya sa dulo ng kanyang linya ang – “jep” – nagtaka ako sa narinig ko.
Syempre, nag-google ako at nalaman ko na ang ibig sabihin pala ng “jep” ay “hurt” o “masakit” ganun. Gusto ko na magpalit ng nickname.
• 9:00 PM 4/12/2020
Ilang araw na ring walang baterya yung orasan ko sa kwarto, pero tinitignan ko pa rin sa umaga at minsan eh napapaniwala ako – yung akala ko maaga pa, pero tanghali na!
Tapus ngayong gabi, nalagyan na ito ng baterya. At kung kailan naman gumagana na ito nang tama saka naman ako ‘di naniniwala sa oras.
• 11:14 PM 4/12/2020
‘Di ko alam pero feeling ko malapit na ako maging vegetarian. Kapag ang ulam namin ay baboy, minsan pakiramdam ko ay masusuka ako. Iniisip ko kasi na itong karne na ito ay laman ng dating buhay na hayop, tapus kinatay, tapus binili ang kinatay na laman sa palengke, tapus nilagay sa ref, tapus lulutuin para kainin (?).
Ganun din sa isda. Simula nang may nagsabi sa akin kung bakit ayaw niya kumain ng sinabawang isda, feeling ko anytime ay ‘di na rin ako makakakain ng sinabawang isda. Ang sabi niya kasi, ‘di ba nung buhay pa yung isda palangoy-langoy ito sa tubig; tapus ngayon, binili ito nang wala nang buhay, tapus niluto pa na may sabaw, yung maiisip ko – “Ano ito? Patay na nilutong isda na pinalutang sa sabaw?”
Weird. Baka may eating disorder na ako. Kumakain pa rin naman ako ng isda at baboy, ‘wag ko lang maisip ang kabaliwan kong ito.
• 1:03 PM 4/27/2020
Kahapon pala eh na-fake news itong street namin. Umaga pa lang ay naglagayan na ng mga upuan sa labas ng kanya-kanyang tahanan, kasi may relief goods daw na darating at ilalagay na lang doon sa bangko o upuan na nakalagay sa tapat ng bawat bahay. Mega-lagay naman ang bawat household sa aming exclusive street, subalit sa kasawiang-palad ay lumipas na ang maghapon pero wala namang dumating. Nabudol ang street namin.