Siguro nga ay tama si Morrie.
Hindi naman talaga titigil ang mundo para sa kahit na ano pa mang pinagdaraanan o nangyayari sa’yo. Kahalintulad nang malaman ni Morrie ang kanyang sakit. Malalang uri ng sakit.
Hindi naman titigil sa kani-kaniyang buhay ang mga tao para lang sa kanya… sa’yo at pati na rin sa akin. Iinog pa rin ang lahat nang normal. Tuloy lang ang buhay.
Sabado noon; lunes ay ang pagbubukas ng school year 2016-2017. Hindi ko naman mauusog ang pasukan kahit pa nagbabantay ako sa ospital noong mga panahon na iyon. Tuloy pa rin ang pasok kahit pagod, medyo puyat at may kaunting emotional stress. Haharap pa rin ako sa unang araw ng klase.
Na noong Christmas party naming magkakaibigan ay nakita kong nakakatawa pa rin naman si Ma’am A kahit pa halos buong araw niya kailangang bantayan ang may sakit niyang ama. Magsasaya pa rin ang lahat sa aming Christmas party. Kahit saglit, makakatawa rin si Ma’am A sa kabila ng kanyang problema. Ganun din si B…
Minsan, napakahusay nating magdala ng problema. Idinadaan sa tawa. Ikinukubli sa ngiti.
Kasalukuyan kong binabasa ang Tuesdays with Morrie (sa e-book). Madalas ay binabasa ko ito tuwing break ko sa klase; minsan habang nasa byahe.
Isa sa mga paborito kong nabasang linya –
“So many people walk around with a meaningless life. They seem half-sleep, even when they’re busy doing things they think are important. This is because they’re chasing the wrong things.”
Kaya, ano nga ba ang mga dapat nating pinagkakaabalahan sa ating buhay?
Anu-ano ba ang mga kinakailangang gawin upang magkaroon tayo ng purpose at meaningful life?
I-comment below! (Linyang youtuber lang, lol).