“…all you have to do is call, and I’ll be there, you’ve got a friend.”
- ang kinakanta ng matandang bulag na lalaki malapit sa may Central Station ng LRT.
Natigil ako bigla sa paglalakad sa gilid ng UDM, hindi kasi ako mapakali. Naisip ko, bakit hindi ako naghulog ng pera sa donation box ng matandang bulag? Bakit ko siya nilampasan?
Sa mga ganitong pagkakataon, lagi kong iniisip na gawin kung ano ang makapagpapanahimik sa aking saloobin, kaya humugot ako ng isandaang piso para maihulog sa donation box ng matandang bulag. Naglakad ako pabalik.
Kaso nakita ko na marami rin pala ang namamalimos sa daan. May mag-asawang matanda ang madaraanan ko bago makapunta sa matandang bulag na kumakanta at naggigitara. Tapus sa likod ng poste kung saan sila nakapwesto, naroon naman ang dalawang lalaki na marungis. Nakaupo lang sila doon, mukhang hindi naman sila namamalimos.
Nang malapit na ako sa matandang bulag, biglang natigil ang kanyang pagkanta. Hindi ko na rin nagawang ihulog yung dapat sana ay ibibigay kong pera. Nakita ko kasi si ate sa may gilid, may bangkito sa tabi niya at payong. Hinuha ko, siya ang kasama at tagabantay ng matandang bulag.
Hindi ko nagawang ihulog ang pera sa donation box.
Bigla na lang kasing sumulpot sa isip ko ang mga ito –
Bakit ang matandang bulag pa ang kailangang maghanap-buhay sa pamamagitan ng kanyang pagkanta, gayong may kasama naman pala siyang mas ‘abled’sa kanya? Bakit hindi ang kasama niya ang magtrabaho?
Idagdag pa na kung bibigyan ko ang matandang bulag, paniguradong maaawa rin ako sa mag-asawang matanda na namamalimos din malapit lang sa kanya. Hindi ko matitiis na hindi rin sila bigyan.
At nalungkot ako bigla. Nalungkot ako kasi kahit na makapagbigay ako ng pera sa matandang bulag, alam kong hindi sapat ang gagawin ko para matapos na ang kanyang kalbaryo. Alam kong babalik pa rin siya sa kanyang pwesto hangga’t may nakukuha siya doong donasyon.
Nalungkot ako dahil napaka-temporary lang ng maibibigay kong tulong.
Kung meron lang sana na mas pang-matagalan na solusyon.
Nakaramdam din ako ng pagkahiya. Bakit yun lang ang naisip kong gawing tulong sa matandang bulag? Paano bukas? O sa mga susunod pa?
Tinawid ko ang kalsada. Naglakad pabalik sa may Central Station. Ibinalik ang perang hinugot ko sa bag. Na-realize kong walang silbi ang naisip kong gawin.
Marahil may punto ang kasabihang “…teach him how to fish”; sa isang banda, baka tama rin si Gang Badoy sa pagsasabi na may pagka-‘snob’ ang ating kultura. Pinagmasdan ko ang mga tao sa paligid habang naglalakad ako pabalik sa istasyon ng LRT. Ang dami nila. Ang dami-dami namin. Ang dami natin. Pero bakit ini-snob lang natin ang mga taong ito na nangangailangan ng tulong? Paano natin naaatim na magpatuloy sa paglalakad habang nilalampasan lang ang iba na naghihirap?
At oo, nagpatuloy nga lang ang lahat sa kani-kaniyang lakad.